Tuesday, May 17, 2011

Potograpo

Wala akong magawa kahapon dahil nasa bahay lang ako't hindi ko binuksan ang kompyuter bilang sakripisyo. Halos buong maghapon lang ako nasa loob ng kwarto, nag-aral ng pagkuha ng litrato. Ginamit ko ang mga laruan ko, tinapat sa ilalim ng lampara't kinunan ng mga litrato. Naaliw ako dahil ang linaw nito kumpara sa karamihan ng mga litrato ko. Medyo nakuha ko na rin ang silbi ng ibang mga setting tulad ng ISO pati macro.

Dahil wala pa rin akong magawa, ilalahad ko na rin sa inyo ang gawain kong ito.

Naalala ko dati'y aliw na aliw ako sa pinakauna kong kamera. Simple lang naman, digicam na maaari mong dalhin kahit saan. Tuwing ensayo, mga pagdiriwang, o kahit tambang lamang sa cafeteria, parati akong kumukuha ng litrato upang magsilbing alaala o gaguhin mga kaibigan.


Nakuha talaga nito ang aking interes nang magsimula kaming makilahok sa mga paligsahan. Dahil iisa lamang ang laro ko sa paligsahang iyon, pinapalipas ko ang oras sa pagkuha ng mga litrato ng mga kakampi ko habang sila'y lumalaban. Tuwing nakakakuha ako ng maangas na litrato tulad ng saktong pagdaan sa finish line o kaya tuktok ng talon, natutuwa talaga ako. Tila parang pang ulo ng balita na yung nakuha mo.


At medyo nagkatotoo iyon dahil ang mga litrato ko'y ginamit sa mga artikulo ukol sa Track & Field Team namin. Pati mga kakampi ko nahahanga sa mga nakuha ko dahil nakikita nila kung tama ang ginagawa nila o nakapagtataka't pinamukha ko silang magaling.

Subalit, nawala ko ang minamahal kong kamera nang pauwi ako sa LRT. Sobrang sayang dahil bigay iyon sa akin ng ate ko't ang dami kong naitagong mga alaala dahil doon.

Hindi ako nagkaroon ng kamera hangga't sa pinahiram sa akin ng ate ko ang kanya para magamit ko noong nag-aral ako sa Tsina. Dahil minsan lamang nangyayari ang mga ganung bagay, ginamit ko ang kamera para makapagtago ng mga masasayang karanasan.

Tumagal, at hindi pinapabalik ng ate ko ang kamera kahit ipaalala ko pa sa kanya. Araw-araw ko na ito dinadala sa kolehiyo o kung saan man tulad ng aming pagbabad sa Quiapo. Naging malaking tulong ito sa aming negosyo na pagbebenta ng mga bag dahil nakukunan ko ng litrato ang aming mga produkto.

Isang araw, naisipan kong gumawa ng blog tungkol sa pagpoporma. Naisipan kong kunan ng litrato ang mga damit na madalas kong sinusuot at ibahagi sa iba mga estilo ko. Dito muling bumalik ang hilig ko sa paglilitrato. Nagsimula akong mag-aral kung saang lugar pinaka-angkop ang suot ko, kung paano gamitin ang mga ilaw para magkaroon ng epekto at paano magiging mas malinaw ang larawan. Sa kasalukuyan, nagsusulat na rin ako tungkol sa pagkain.


Hindi ko naman hinahangad maging propesyonal o gawing hanapbuhay ang ganitong gawain. Pero nasisiyahan talaga ako tuwing may nakukunan akong nakakaaliw o tumatatak sa aking isipan. Ang mga ganitong bagay ay parati kong ibinabahagi sa iba sa pamamagitan ng paglitrato.

Thursday, March 24, 2011

Ang Pagtatapos sa Ateneo

Sa totoo lang, medyo nagluluha ang mata ko habang sinusulat ito. Iniisip ko na kung ano ang mangyayari matapos ng seremonya, kung ano ang naghihintay sa akin matapos nitong kabanata sa aking buhay. Masaya nga na hindi mo na kailangang mag-aral, magpuyat para maghanda ng presentasyon o pumunta kung saan mang lugar para lang manaliksik. Pero may halong lungkot din sapagkat alam mo na hindi ka nag-iisa sa mga ganitong karanasan. May mga kaibigan at kaklase kang kasabay sa mga oras ng tagumpay at pagkabigo. Sinusuportahan ninyo at naging malapit din kayo sa isa't-isa. Hindi niyo alam kung kailan ulit kayong magkakasama dahil iba't-iba na ang inyong landas sa buhay. At huli, may halong takot din sa bagong mundo na bubukas sa amin, ang paghahanapbuhay. Ngayon palang, medyo kinakabahan na ako dahil wala pa akong nahahanap na trabaho habang ang iba ko mga kasama'y magsisimula na sa susunod na buwan. Marami kang iiwanan pero alam mong nagtatapos ang mga ganitong bagay tumuloy sa ibang gawain.

Bukas, magtatapos na ang labing-anim na taong pag-aaral ko sa Ateneo mula Prep pa lamang. Una akong pumasok dito noong 1995, isang batang anim na taong gulang pa lamang na walang kaalam-alam sa mundo. Taong 2011 na, isang dalawampu't-dalawang taong gulang na lalaki akong wala pa rin masyadong alam kung paano ang takbo ng mundong kinabibilangan niya. Subalit, matapos walong taon sa elementarya, apat na taon sa mataas na paaralan, at ngayon, apat na taon sa kolehiyo, naniniwala akong naihanda naman ako ng paaralang ito sa anumang pagsubok na aking haharapin.

Malaking bahagi ng buhay ko ang pag-aaral dito sa Ateneo. Marami akong natutunan hindi lamang sa loob ng silid-aralan, pero sa labas na rin nito at sa mga organisasyong kinabilangan ko lalo na sa kolehiyo. Marami akong hindi malilimutang karanasan dito, masaya at malungkot na humubog sa pagkatao ko ngayon. Hindi ko mabibilang ang dami ng mga taong nakaimpluwensiya sa buhay ko't hanggang ngayon matalik ko pa ring kaibigan.

Binigyan din ako ng Ateneo ng pagkakataong ibahagi ang aking mga talento't kakayahan sa kapwa kong nangangailangan. Hindi ko mailalarawan sa simpleng salita lamang kung ano ang halaga at epekto ng mga programang ito sa akin. Dito ko natutunan ang kahalagahan at ang malaking responsibilidad na dapat nating gampanan sa pagtulong sa mga nangangailangan. Tumatak lamang ito sa akin noong pagbabad ko noong ikatlong taon sa hayskul. Simula noon, nakibahagi ako sa iba't-ibang programa at organisasyon kung saan nilalayon ang pagpapabuti ng buhay ng iba sa pamamagitan ng pakikisalamuha at pagbabahagi ng sarili sa kanila. Doon ko nakita ang talagang sitwasyon nila, kung paano ang takbo ng buhay nila. Dahil dito, natuto akong ibahagi ang aking sarili upang mas makilala sila bilang tao at tulungan silang umahon o makalampas sa kanilang malubhang sitwasyon o karanasan.

At huli, ipinagmamalaki ng paraalang ito ang konsepto ng "magis," ang pagpupursigi na maging mas mahusay pa sa lahat ng bagay at parating higitan ang sarili. Sa pagdaloy ng pahaon, marami akong ginampanang responsibilidad hindi lang bilang studyante, pero bilang pinuno rin ng klase, organisasyon, atleta at kapwa-tao. Dahil sa ganitong kultura, ninanais ko parating ibigay ang lahat tuwing may karera at ensayo para magsilbing inspirasyon sa mga kakampi't makatulong manalo. Marami akong nakamit na pang-akademikong gantimpala't karangalan noong mga araw ko sa hayskul at ito'y tumulong sa pagiging presidente ko noong huling taon. At dahil sa "magis," parati kong ibinabahagi ang sarili para talagang makatulong sa aking kapwa.

Bilang pagwawakas, ipapakita ko ang mga lyriko ng "A Time to Fly," isang kantang inawit namin bago kami nagtapos sa mababang paaralan. Ito'y tungkol sa paglaki namin bilang studyante at pagiging kinabukasan ng bansa. Dahil magtatapos na sa kolehiyo, dito kami talagang aalis na sa pugad ng Ateneo at hahanapin ang aming kapalaran o lugar sa mundo.

A Time To Fly


The time has come when we can fly
And spread our wings against the sky.
There's a new world where we will try
To live full lives as time goes by.


Indeed we've grown through all these years
Now we are strong, we have no fears.
The facts of life, we've learned to face
To make us lead in life's tough race.


We owe our growth to all of you
To God and to Ateneo
To be responsible leaders
Is our way of saying thank you

Tuesday, January 4, 2011

Taong 2010: Isang Pagbabalik-Tanaw (Ikatlong Bahagi)

          Ang susunod na artikulo ay isinalin mula sa wikang Ingles. Ito'y ipinasa ko bilang rekisito sa pagsali sa Chinoy, isang pahayagan sa ilalim ng Celadon Ateneo.

Tsina
          Noong nakaraang bakasyon, sumali ako sa China Summer Exchange Program kasama walo pang studyante. Pumunta kami sa Zhuhai, isang probinsya dalawang oras ang layo sa lungsod ng Guangzhou at nag-aral kami sa Sun Yat-Sen University. Tumagal ng walong linggo ang programa na binubuo ng pag-aaral ng wika't kultura ng Tsina.

Bago ako maglakbay patungo roon, nagpaalam muna ako sa aking mga kamag-anak at kaibigan. Ito ang unang beses kong pumuntang ibang bansang mag-isa. Sa araw ng pagpunta sa Tsina, ako at pito pang studyante'y nagkita-kita sa NAIA 3 at naghanda para sa isang bagong karanasan. Sumakay kami ng eroplanong patungong Guangzhou ng 8 ng gabi't nakarating doon matapos nang dalawang oras. Nang makarating kami sa Tsina, kita agad ang pag-iiba ng wika sapagkat onting tao lamang, maliban sa mga ibang dayuhan ay nagsasalita ng Ingles.

          Matapos ang immigrations, kinuha namin ang aming mga maleta't pumunta sa receiving area kung saan namin nakilala ang mga studyanteng sasamahan kami sa skwelahan. Isa rito si Chenny, na kasalukuyang kumukuha ng masteral sa Ingles. Sumakay kami sa isang bus na sinakyan namin nang dalawang oras para makarating sa Zhuhai. Nagkwento si Chenny tungkol sa lugar, kung ano mayroon doon at mga magagandang bagay tulay ng malinis na hangin at malamig na panahon dahil ito'y matatagpuan sa bundok. Dahil hindi pa gaanong kaibihasa ang Mandarin ko, Ingles ang ginamit namin para mag-usap.

          Madaling umaga na noong nakarating kami sa skwelahan. Tinulungan nila kami magbuhat ng mga bagahe at tinuro sa amin ang mga dormitoryo (malas nga lang nasa ika-5 palapag). Dahil gabi na't antok kami, inayos nalang namin ang mga gamit tapos natulog.

Sumunod ang unang araw namin sa Zhuhai. Nakilala namin sila Seraph, Kiki at Vivien, ang mga studyanteng tutulong sa amin habang kami'y nag-aaral sa Zhuhai. Sabay-sabay kaming kumain sa Suiyuan Cafeteria malapit sa dorm. Dahil lampas ala-una ng hapon, wala nang binebentang kanin at noodles nalang inulam namin. Sobrang mura ng pagkain doon at isang malaking mangkok ay 5 RMB lamang o halos 30 piso. Matapos kumain, pinasyal nila kami sa unibersidad. Isa sa mga pinakanakakaaliw na gusaling nakita namin ang silid-aklatan na sampung palapag ang taas tapos hugis libro't may ruler sa dulo. Mayroon ring tindahan ng bago't gamit na bisikleta kung saan sa sunod na buwan, bumili rin ang aming kaklase.


Dahil Linggo noong araw na iyon, may klase na kami kinbukasan. Pinuntahan namin ang International Studies Building para sa kauna-unahang klase namin sa Tsina. Nakita naming kumakamay ang aming propesor, Rita, sa bintana. Umakyat kami't nagkita sa loob ng silid. Si Rita'y isang Education major na nagkataong nag-aral din sa Ateneo noong nakaraang taon. Kada araw kaming may klase sa wikang Mandarin na tumatagal ng dalawa't kalahating oras. Tuwing may klase rin kami'y may pagsusulit na binubuo ng pagsusulat ng mga simbolo at mga pagsasanay para mahasa ang aming pananalita.

          Tuwing Miyerkules at Biyernes, mayroon din kaming klase sa kulturang Tsino. Marami kaming natutunan ukol sa kanilang sining at mga tradisyon. Isa sa mga pinakamasayang klase rito ang pag-aaral ng pagkanta at pagsayaw ng Beijing Opera't paglalaro ng mahjong. Noong huling araw ng klase, nagdala sila ng studyante ng kung-fu't tinuro sa amin ang mga galaw at estilo.


          Pero hindi lamang pag-aaral ang ginawa namin habang nasa Tsina. Tuwing walang pasok, naglalakwatsa kami  o kaya magkakasamang kumain sa labas ng skwelahan tulad ng Jusco, Gongbei o Guangzhou. Nakakatuwa ring mamili sa mga tiangge dahil susubukan ng mga tinderong lokohin kaming bumili sa mataas na presyo dahil mga turista kami. Halimbawa nito ang mga taong binebentahan kami ng jacket na 200 RMB tapos sasabihin namin masyadong mahal at bilihin namin ng 20. Malamang hindi sila kakagat sa 20 kaya papakita nila calculator nila't nakalagay ang mas mababang presyo. Sasabihin naming masyado mataas hangga't sa gawin nilang 20. Matapos ng ilang minuto, bibigay nila sa amin ng 20 ang jacket.


Hindi lamang kami nanatili sa Guandong Province lalo na tuwing may mahabang linggo o kaya nagpaalam kami sa aming mga propesor para magpaliban sa klase't maghabol nalang tuwing hapon o gabi. Nakapunta kami sa Beijing at Shanghai matapos ng ilang linggo. Dahil wala kami masyadong pera't oras para sumakay ng eroplano, kumuha nalang kami ng tren. Noong una, hindi naman mukhang sobrang pagdurusa ang pag-upo sa tren ng 22 oras. Subalit, nalaman namin na sobrang sakit pala ng hard seater dahil sa dami ng mga pasahero sa tren na kumuha ng standing ticket tapos natulog sa sahig sa gabi! Sobrang sakit at hindi komportable, halos wala kaming tulog sa tren.



          Lahat iyon nalimutan namin nang makarating kami sa Beijing. Kahit apat na araw lamang kami roon, napakarami naming napuntahang lugar tulad ng Great Wall, Bird's Nest pati ang Winter Palace. Bago kami bumalik ng Zhuhai, nabisita rin namin ang Forbidden Palace. Sobrang sarap din ng pagkain tulad ng paa ng tupa, patong Beijing at mga kakaibang pagkain sa Wangfujing tulad ng atangatang pati seahorse!



          Sobrang saya rin ng pagpunta namin sa Shanghai dahil kabubukas lang ng World Expo. Halos lahat ng bansa sa mundo may pavilion doon at sa loob ng bawat pavilion pinapakilala ng mga bansa ang kanilang mga kultura o kaya mga plano sa panghinaharap na panahon. Nakapasok kami sa Philippine pavilion at nakita namin ang aming mga kababayan. Sa wakas! Nakakapag-usap muli kami gamit Filipino! Kahit isang araw lang kami nakadalaw sa expo, nasulit pa rin namin ang pagpunta roon.

Ang pinakahindi ko malilimutang karanasan ang pagkikilala ng mga ibang tao at paggamit ng sarili nilang wika para makipag-usap. Sa pamamagitan nito, mabilis kaming gumaling magsalita ng Mandarin. Si Chenny, ang isa sa mga sumundo sa amin sa paliparan, ay naging isa sa mga pinakamatalik kong kaibigan. Madalas kaming magkasamang tumatakbo sa loob ng skwelahan, nagbubuhat sa gym at kumakain kung saan-saan. Noong una, Ingles ang ginagamit namin para mag-usap. Sa paglipas ng panahon, wika naman nila ang ginagamit namin. Mababait at mainit din kaming tinanggap ng aming mga propesor. Sumasama rin sila sa amin kumain matapos klase at binibigyan kami ng impormasyon kung saan magandang pumunta o masarap kainin. Hanggang ngayon, nag-uusap pa rin kami gamit e-mail.

          Masaya ring kausap ang ibang tao sa skwelahan tulad ng mga tagaluto't studyante. Tuwing nag-eensayo ako sa track oval, kinakausap ko sila tungkol sa PE at ibang bagay. Mga kusinero naman, lalo na kung saan ako madalas bumibili ng almusal, ay mainit at masarap kakwentuhan. Tinatanong nila kung saan ako galing at gaano na ako katagal nag-aaral ng Mandarin. Dahil hindi sila marunong magsalita ng Ingles, napipilitan akong gumamit ng Mandarin. Minsan namimigay pa sila ng libreng pagkain dahil lang nakakwentuhan ko sila. Isang beses, nagdala ako ng bote ng alak at sabay namin ininom at inubos.

          Matapos walong linggo, bumalik na kami ng Pilipinas. Hindi mo maiiwasang hanapin ang presensiya ng mga kamag-anak mo pero nakakalungkot din dahil ang bilis lumipas ng dalawang buwan. Pero, masaya pa rin ako dahil sobrang nasulit ko ang karanasan. Sa araw ng aming pag-alis, nagkita kami ng aming mga propesor at nagpaalam. Hindi si Chenny makapunta noon dahil kasama niya ang kaibigan niya kaya tinawagan nalang niya ako. Matapos noon, nagpaalam kami't tumungo sa paliparan.


Napakaiksi nga ng dalawang buwan ngunit ang mga naranasan namin sa panahong ito'y mananatili buong buhay. Ang mga taong nakasalamuha namin, mga nakamihasnan at bagay na natutunan namin ay hindi malilimutan kahit kailang. Ang pagbabad sa ibang kultura'y isang bagay na handa akong ulitin kailanman. Sana'y matapos ng Marso, hindi matagal at maranasan ko muli ang lahat ng ito.

Taong 2010: Isang Pagbabalik-Tanaw (Ikalawang Bahagi)

Tugon

        Noong una kong pagsali sa organisasyon dalawang taon na ang nakararaan, hindi ko nakita ang sarili kong magiging aktibo rito maliban sa pagbabad sa erya. Gusto ko nga ang mga gawain ng org lalo na ang pagpunta sa erya kada linggo, ngunit hindi ko naiisip maging punong tagapamahala ng mga proyekto o kaya'y tumatambay-tambay pa sa MVP 214. Siyempre, hindi nga ako nakakapunta sa mga proyekto sapagkat kasabay nito ang aking ensayo. Subalit, sa huling taon ko sa kolehiyo, ako'y nahalal na maging bahagi ng executive board at tagapamahala ng eryang Laura Vicuña.
          Matapos ng dalawang taon sa LV, pinili ko pa rin mamahala dun datapwat ito ang naging dahilan kung bakit ako nanatili sa Tugon at parang kapamilya ko na rin ang mga tao roon. Alam ko bahagi na rin ako ng varsity pero dahil mahal ko nga ang Track pati Tugon, alam kong kaya kong ipagsabay ang dalawang karagdagang responsibilidad at maging mahusay din ang pagtrabaho rito. Nagawa ko na ito noong nakaraang taon. Bakit naman hindi mauulit?
          Kahit halos pareho lang ang papel na ginagampanan ko ngayon para sa LV sa nakaraang taon, iba pa rin talaga pag ikaw ang punong tagapamahala. Mas malaki na rin ang aking mga responsibilidad dahil buong organisasyon na rin ang tinututukan mo. Ikaw ang kumakatawan ng Tugon tuwing kausap ang mga tao sa erya. Ginagawa mo rin talaga ang lahat para maging magandang halimbawa sa kapwa miyembro mo't dahil gusto mo ring pagandahin pa ang organisasyon. Kakaibang tagumpay din ang mararamdaman mo tuwing maganda ang kinalabasan ng lahat ng paghihirap at pagod sa pagplano ng erya.

          Sa taong 2010, naging maganda ang takbo ng pagiging bahagi ng EB sa Tugon. Maganda ang kinalabasan ng mga proyekto at maraming bagong aktibong miyembro. Sa erya ko, hindi bumaba ng 11 ang taong pumupunta sa erya at umaabot pa kami ng 21. Nakikita ko talaga sa mga bata't miyembro na nagiging masaya sila tuwing magkakasama.
          Sisiguraduhin kong mapagpapatuloy sa taong ito ang masasayang karanasan sa LV at may maipapamana akong mga hindi malilimutang alaala't turo sa mga bata't miyembro.

Monday, January 3, 2011

Taong 2010: Isang Pagbabalik-Tanaw (Unang Bahagi)

          Mabilis talaga ang paglipas ng panahon tuwing nagsasaya o maraming ginagawa. Parang kailan lang Orsem ko noong unang pagpasok pero ngayon malapit na ako magtapos sa pag-aaral. Kakaiba talaga ang mga dinaanang pagsubok, pagbabago't kasiyahang naranasan ko noong nakaraang taon. Maganda sigurong balikan ang mga mahahalagang nangyari sa akin, masaya man o malungkot.

UAAP Season 72

          Sa hindi ko inaasahang huling beses kong maglaro, nakamit namin ang ikatlong gantimpala apat na magkakasunod na taon. Nilayon naming magtagumpay sa panahong iyon ngunit maraming nagkasakit at nasaktan sa ensayo nang palapit na ang labanan.

          Sa kabutihang palad, hindi ako natulad sa iba kong mga kasamang napilayan bago lamang ang pagsubok. Subalit, hindi kasing lakas ng nakaraang taon ang aking kondisyon. Ito'y nagbunga ng apat na puntos lamang, ang pinakamababa kong resulta sa apat na taon kong pakikilahok sa UAAP simula hayskul.

          Sa pinakahuli kong karera, ako ang ikapitong nagtapos sa 10,000m walk. Sa halip ng mababang posisyon, nakamit ko ang pinakamabilis kong oras. Ngunit, sa kasamaang palad hindi nakapuntos ang isa naming kakampi sa dalawang karera. Nang matapos niya ang huli naming karera, tumiklop siya sa sahig, umiyak at nagpatawad sa 'kin.

          Naiyak rin ako noon sapagkat naramdaman ko ang hapdi ng hindi pag-abot sa pinakakaya mo. Sinabihan ko siya na hindi problema iyon dahil ang pinakamahalaga ang pagbuhos ng lahat. Inulit ko sa kanya iyon ng ilang beses ngunit 'di ko mapigil ang pagpatak ng aking luha. Bukod dito, masama rin ang loob ng isa pa naming kakampi dahil malayo siya sa pinakamabilis niyang oras.

          Bigo man o hindi ang tingin sa kinalabasan ng aming karera, hindi makakamit ng Ateneo and ikatlong gantimpala kung wala ang puntos namin sa walk.

Sunday, January 2, 2011

31 Minuto, 7 Segundo

          Iyan ang oras ko sa nakaraang 5,000m Walk sa Ultra. Doon lang talagang tumama sa akin. Wala akong bilis, hindi ko kayang makipagsabayan at utak ko hindi pangkarera. Ito ang nangyari dahil walang kasama sa ensayo't hindi nakaranas ng karera paglipas ng matagal na panahon. Utak ko hindi na pang atleta ng track & field. Andami ko na ibang gawain kaya paano ko na bibigyan ng oras ito?

          27 minuto ang tinakdang oras na habulin ko para makapasok sa lineup. Ang UAAP naman sa Pebrero pa magaganap kaya sa tingin ko maaabot ko naman ito sa loob ng apat na buwan. Subalit, dalawa nalang kami naglalaban para sa huling pwesto.

          Ang kaagaw kong iyon ay kababalik lang sa track oval matapos mawala ng halos isang taon dahil sa kahilingan ng magulang. Wala ka naman magagawa sa ganung sitwasyon. Pero napansin naming lahat malaki talaga ang nilakas niya. Pinag-isipan pa nga kung padadala siya sa Dumaguete noong nakaraang buwan para sumali sa Unigames. Sa nakikita ko rin, masipag talaga siya't mukhang kayang-kaya nang pumuntos.

          Ako naman, matagal nang nawala dahil sa sakit, nagkaroon pa ng injury sa ITB matapos nun, at hindi pa nakakapokus sa ensayo dahil sa ibang mga interes at gawain. Pero, mahal ko pa rin ang track. Hindi ko ito babalikan at magtiyatiyaga muli sa pagbalanse ng maraming responsibilidad kung wala na ang apoy ko para rito. Ngunit, umabot na sa punto kung saan makakasama lamang kung tumuloy pa ako. Gusto ko pa rin tumulong pero paano naman kung hindi ko naman kayang maglaan ng oras para sa ensayo? Noong nakaraang taon pa lang, Tugon na talaga ang balak kong tutukan ngyon at papangalawa na track kung sakaling bumalik ako na nangyayari nga.

          Nakakahiya naman ito sa mga kakampi ko na nagbubuhos talaga ng oras at madaming sinasakripisyo para gumaling at lumakas. Bakit pa ako nandito kung hindi ko rin iyon magagawa?

          Oras na sigurong magpaalam at bigay na ang pwesto sa mas karapat-dapat na atleta.


Fonsywonsy

          Bakit ako gumawa ng Blogspot account sa dami na ng mga kaek-ekan ko rito sa internet? May Multiply na ako noong sinaunang panahon pa lamang, Facebook na araw-araw ko tinitingnan tapos tatlong Tumblr(mrlovinya, abcdbags, shotokid) pa, bakit pa ako may ganito kung halos pareho naman silang lahat?

          Sa totoo lang, mahilig akong magsulat. Lahat ng iyon para sa aking katuwaan pero wala namang seryoso o malalim na paksa ang mga iyon. Tuwing wala akong magawa, binabalikan ko ang mahahalagang pangyayari sa aking buhay at inilalahad ang mga ito sa sulatin. Nais ko ring hasain ang sarili sa pagsusulat sa wikang Filipino sapagkat kakaunti lamang ang gumagamit nito lalo na sa internet at mga limbagan sa Pilipinas. Sariling wika ba naman hindi ginagamit ng bansa. At huli, sana’y may mga taong maging interesado o magustuhan ang mga sulatin ko’t mayroon akong masayang mababalik sa aking pagtanda.