Tuesday, May 17, 2011

Potograpo

Wala akong magawa kahapon dahil nasa bahay lang ako't hindi ko binuksan ang kompyuter bilang sakripisyo. Halos buong maghapon lang ako nasa loob ng kwarto, nag-aral ng pagkuha ng litrato. Ginamit ko ang mga laruan ko, tinapat sa ilalim ng lampara't kinunan ng mga litrato. Naaliw ako dahil ang linaw nito kumpara sa karamihan ng mga litrato ko. Medyo nakuha ko na rin ang silbi ng ibang mga setting tulad ng ISO pati macro.

Dahil wala pa rin akong magawa, ilalahad ko na rin sa inyo ang gawain kong ito.

Naalala ko dati'y aliw na aliw ako sa pinakauna kong kamera. Simple lang naman, digicam na maaari mong dalhin kahit saan. Tuwing ensayo, mga pagdiriwang, o kahit tambang lamang sa cafeteria, parati akong kumukuha ng litrato upang magsilbing alaala o gaguhin mga kaibigan.


Nakuha talaga nito ang aking interes nang magsimula kaming makilahok sa mga paligsahan. Dahil iisa lamang ang laro ko sa paligsahang iyon, pinapalipas ko ang oras sa pagkuha ng mga litrato ng mga kakampi ko habang sila'y lumalaban. Tuwing nakakakuha ako ng maangas na litrato tulad ng saktong pagdaan sa finish line o kaya tuktok ng talon, natutuwa talaga ako. Tila parang pang ulo ng balita na yung nakuha mo.


At medyo nagkatotoo iyon dahil ang mga litrato ko'y ginamit sa mga artikulo ukol sa Track & Field Team namin. Pati mga kakampi ko nahahanga sa mga nakuha ko dahil nakikita nila kung tama ang ginagawa nila o nakapagtataka't pinamukha ko silang magaling.

Subalit, nawala ko ang minamahal kong kamera nang pauwi ako sa LRT. Sobrang sayang dahil bigay iyon sa akin ng ate ko't ang dami kong naitagong mga alaala dahil doon.

Hindi ako nagkaroon ng kamera hangga't sa pinahiram sa akin ng ate ko ang kanya para magamit ko noong nag-aral ako sa Tsina. Dahil minsan lamang nangyayari ang mga ganung bagay, ginamit ko ang kamera para makapagtago ng mga masasayang karanasan.

Tumagal, at hindi pinapabalik ng ate ko ang kamera kahit ipaalala ko pa sa kanya. Araw-araw ko na ito dinadala sa kolehiyo o kung saan man tulad ng aming pagbabad sa Quiapo. Naging malaking tulong ito sa aming negosyo na pagbebenta ng mga bag dahil nakukunan ko ng litrato ang aming mga produkto.

Isang araw, naisipan kong gumawa ng blog tungkol sa pagpoporma. Naisipan kong kunan ng litrato ang mga damit na madalas kong sinusuot at ibahagi sa iba mga estilo ko. Dito muling bumalik ang hilig ko sa paglilitrato. Nagsimula akong mag-aral kung saang lugar pinaka-angkop ang suot ko, kung paano gamitin ang mga ilaw para magkaroon ng epekto at paano magiging mas malinaw ang larawan. Sa kasalukuyan, nagsusulat na rin ako tungkol sa pagkain.


Hindi ko naman hinahangad maging propesyonal o gawing hanapbuhay ang ganitong gawain. Pero nasisiyahan talaga ako tuwing may nakukunan akong nakakaaliw o tumatatak sa aking isipan. Ang mga ganitong bagay ay parati kong ibinabahagi sa iba sa pamamagitan ng paglitrato.